Ito’y kwento ng isang babae…
Sa dinami-dami ng mga OPM songs na aking hinanap sa Youtube, tanging ang kantang ‘Magda’ lamang ang nakakuha ng aking pansin. Sa pamagat pa lamang ng kanta ay alam mo nang ito ay napapatungkol sa isang babae. Binasa at inintindi ko ng maayos ang lyrics ng kantang Magda. Ngayon, aking mailalathala sa blog na ito kung ano nga ba ang mga ideyang sumagi sa isip ko tungkol sa kantang ito at kung ano nga ba ang naging interpretasyon ko para sa kantang Magda.
Base sa aking pag-unawa, ang kantang ito ay tungkol sa isang babaeng naging bayaran sa lungsod ng Maynila. Ang babae ay napakaganda, napakakinis, at maituturing ngang prinsesa ng kanyang ama. Pinangalanang Magdalena ang magandang babae. Mababasa sa lyrics ng kanta na ang kanyang kababatang si Ernesto ang nagkuwento tungkol sa buhay ni Magdalena. Si Magda ay kanyang matalik na kaibigan mula pa pagkabata nila. Sa sobrang ganda na mayroon si Magda ay halos mabali ang leeg ng mga tao kakalingon sa kanya. Sa bawat salita na lumalabas sa bibig ni Magda ay hindi halos maunawaan ito ni Ernesto sapagkat mapapatitig ka nalang talaga sa gandang mayroon si Magda. Hanggang sa sila’y naging mga dalaga’t binata na, doon na nakaramdam ng pagmamahal si Ernesto sa kanyang kababata. Ngunit bago pa man mailahad ni Ernesto ang kanyang nararamdaman para kay Magda, ipinakilala na ito ng dalaga sa isang lalaki na taga Maynila. Lumipas ang maraming taon at hindi na ulit sila nakapagkita ni Magda sa kadahilanang lumuwas na pa-Maynila ang babae. Maraming taon man ang lumipas, hindi kayang maitanggi ni Ernesto na kanyang minamahal talaga ng lubusan si Magda kahit pa man sila’y hindi na nagkikita. Sa pagbabaka sakaling masisilayan ni Ernesto si Magda, siya’y lumuwas ng Maynila at nagsimulang hanapin ang minamahal niyang kababata. Tinungo niya ang sinasabing lugar na pinagtatrabahuhan ng kanyang kababata at dinala siya sa isang pintong mayroong larawan ni Magda na nakapaskil. Siya’y pumasok sa loob at kanyang nakita ang mga lamesang maraming lasing. Maya’t-maya ay biglang nagpalakpakan ang mga tao at isang babae ang kanyang nakita sa taas ng entablado. Laking gulat at pagtataka niya kung bakit ang mala-prinsesa niyang kababata noon ay sumasayaw na sa entablado na tanging sapatos lamang ang suot.
Pagkatapos, isinama siya ni Magda sa Sta. Mesa, Maynila at doon sila nagpalipas ng gabi. Umaga, pagkagising ni Ernesto tanging isang liham na lamang ang naiwan sa kanya. Gulong-gulo man ang laman ng kanyang isip, pilit niyang binasa ang liham ni Magda para sa kanya. Ang liham ni Magda sa kanya ay tungkol sa kung paano humantong sa pagiging bayarang babae si Magda. Akala ni Magda na kanyang matatagpuan na ang tunay na pag-ibig kapag siya’y lumuwas na ng Maynila ngunit mali pala ang akala niya. Kanya ring isinulat na sa lahat ng lalaking kanyang nakasalamuha, nakasama sa bawat gabi, tanging si Ernesto lamang ang kanyang hinalikan sa labi. Ubod man ng tuwa si Magda na siya’y nahanap ni Ernesto, ayaw na ni Magda na makita pa ulit si Ernesto sa kadahilanang mayroon na siyang mapait na buhay ngayon. Nais mang pakasalan ni Magda si Ernesto, ayaw niya na rin sapagkat sa tingin niya’y hindi siya karapat-dapat sa isang tulad ni Ernesto. Namaalam si Magda at isinulat na siya’y nagpapasalamat sa Maykapal na kanyang nakilala si Ernesto.
Sa pangkalahatan, ang kantang ‘Magda’ ay tungkol sa kwento ng isang magandang dalaga noon na ngayo’y naging isang bayarang babae na lamang dahil sa pag-aakala niyang kanyang matatagpuan ang tunay na pag-ibig kapag siya’y lumuwas ng Maynila.
Magda – Gloc-9 ft. Rico Blanco (2013)
